Monday, July 21, 2008

300

Nope, hindi ito istorya ng mga Spartans.

Ilang araw na ang nakakalipas, hinatid ko sa kanilang opisina ang misis ko. Nang malapit na kami sa lobby ng gusali nila, nagkaroon kami ng isang pagtatalo tungkol sa isang bagay. Tumalikod sya sa akin na naiinis habang nakayuko akong lumakad palayo na masama ang loob. Ilang hakbang pa lamang, may namataan akong isang pamilyar na bagay, nakatiklop. Napabilis ang aking lakad at pasimpleng pinulot iyon. Tama nga, perang papel na nahulog siguro mula sa bulsa ng isang minamalas na tao. Katumbas ng mahigit 500 pesos ang nasa kamay ko nuon at dahil wala naman akong nakitang ibang taong naghahanap ng nawawala nilang pera, ibinulsa ko na lamang ang 300.

Aba, okay pala ang nakayukong maglakad, nakakapulot ng 300” naibulong ko sa aking sarili dahil di ko gawing maglakad ng nakayuko.

Habang naging malikot ang aking mga mata sa paligid habang naglalakad sa pag-asang may kakambal pa ang napulot na papel, bigla kong naalala ang isang tula na nabasa ko nuong high school (yessss, haba ng intro).

Iyon ay nalathala nuon sa RTPI school paper, sa ilalim ay ang pangalan ng may-akda na si Patnubay, kapatid ni Milam. Ang tula ay may pamagat atang “Piso”, tungkol sa isang lalaki na isang araw ay nakapulot ng piso habang naglalakad ng nakayuko. Nasabi din ng lalaking iyon na mainam nga palang maglakad ng nakayuko dahil nakakapulot ng piso at simula nuon, nakayuko na siyang naglalakad.

Makalipas ng ilang linggo, iba’t ibang bagay ang kanyang napulot habang naglalakad ng nakayuko subalit ang katumbas niyon ay nawalan sya ng mga kaibigang hindi niya napapansin habang naglalakad.

The lesson of the story?

Kung wala ka din naming mga kaibigan sa kung saang lugar ka man nandun (kagaya ko ngayon), aba eh sige lang, maglakad kang nakayuko. Nakapulot na ako ng keychain, dice, lighter, tennis ball at isang 1-inch Men-In-Black action figure.

Nice.

No comments: