Sunday, September 21, 2008

isang kaibigan kahapon

Nagtataka ako dati, at natatawa na rin, kapag nababalitaan ko o nababasa na may batch reunion ang mga dating nag-aral sa Morong National High School (MNHS), na nuong mga panahon na ako ay nag-aaral duon ay mas kilala na sa pangalang Rizal Technological and Polytechnic Institute o RTPI. Nagtataka at natatawa, dahil iniisip ko na ang mga oldies na yun na magre-reunion ay hindi pa rin matanggap, o nais pa nilang kumapit sa isang kahapong lumipas na. Ang “kahapong” MNHS na ngayon ay RTPI na, naiisip ko nuon.

Fast forward to 17 years after (o sa panahong ngayon, skip to the next chapter dahil DVD era na), ang aking “RTPI” ay isa na ring kapahon dahil mas kilala na ito sa pangalang Rizal Polytechnic College (RPC). Binago ito nuong March 1, 1995, by virtue of Republic Act Number 7933. Di nagtagal, naging bahagi ito ng University of Rizal System dahil sa Republic Act Number 9157 (June 2001) which lapsed into law on August 11, 2001. The University of Rizal System (URS) was established by integrating the Rizal State College, Rizal Polytechnic College and Rizal Technological University Antipolo Annex

“Rizal Polytechnic College”… hindi ako sanay na bigkasin ang pangalang iyon. Isa siyang estranghero sa akin, bagama’t nasa dating lugar pa rin ang aking RTPI. Same place, same school, pero parang iba na sya kapag tatawagin kong RPC. Parang isang dating malapit na kaibigan na 17 taon mong di nakita at ngayon ay nakasamang muli, pero iba na ang kanyang pangalan. Nakakapanibago. Sya pa rin, pero iba na.

Ngayon ko lang din naunawan ang mga oldies na taga MNHS. Hindi nila pinipilit kumapit sa isang kahapon. Ayaw lamang nilang kalimutan ang isang kaibigang apat na taon nilang nakasama.

Rizal Polytechnic College na siya ngayon, pero para sa akin, RTPI pa rin ang kanyang pangalan. At kung taga RPC ka ngayon at binabasa mo ito, malamang ay magtaka ka din, o matawa, dahil sa nais ko pa ring tawagin itong RTPI. Maiintindihan mo din ako, kapag nagpalit muli ng pangalan ang RPC.

Pramis.